Babae/Lalaki

Babae

Sa pagitan ng mga titik

ng awiting hindi mo saulado ang nota,

habang kapwa kayo babad

sa malamlam na ilaw

ng sayawan, hilo sa serbesa

na hindi mo na alam kung kailan

mo ininom, bumibigay sa ritmo

ng katawang animo’y kasintahan

ang kaluguran, pumuslit siya

ng halik. Kay sarap

niyang saktan,

dukutin

ang kanyang mga mata’t,

ipakain kay Bantay.

Nais mong hambalusin

ng dos por dos ang ulo,

tadyakan

ang bayag. Sa iyo

nakatingin

ang lahat, may maskara

ng takot at awa

ang kanilang mga ngiti.

Malandi ka kasi

wika ng mga mata

ng isa,

Kababaeng tao, naglalasing

kunot-noo

ng isa pa.

Sa bulsa mo, nanginginig

ang iyong smartphone

sa tawag ng boyfriend mo

na kanina pa nagte-text:

“Malilintikan ka sa ‘kin

‘pag ‘di mo ‘to sinagot!”

At sa bulwagan, patuloy

kang nalunod sa mga mata,

lito kung saan nagtungo

ang nagsamantala,

habang ang lahat ay napasisinghap

sa saliw ng malakas

na musika.

Lalaki

Batid ko ang paanyaya

ng katawan mo

na nakikipagtalik

sa musika at halik

ng alkohol. Ako’y nanghihikayat

na pagbigyan ang saglit

sa lilim ng bulwagang ito

na aandap-andap ang ilaw,

binibihag ang mga estranghero

na hipuin

ang pag-aalangan; bumaklas

mula sa dawagan

ng mga ‘di dapat—

ng mga ‘di katanggap-tanggap.

Hindi ba’t ikaw ang pumayag

na makipag-inuman? Hindi

ba’t sumama ka rito

nang hindi pinipilit? Hindi

ba’t nais mong kumawala

sa pangil ng kasintahang

perpetwal ang presensya

sa smartphone mo? Hindi

ba’t  gusto mo nang lumaya

Kahit sandali sa lahat—

magpaubaya sa akin? Kaya

pahintulot mo

ang halik kong ito, sinta.

Huwag ka nang lumaban

sa kalayaang hatid nito.

Deus Ex Machina

Nagulat si Lana sa nabalitaan niya tungkol kay Kent. Hindi niya akalaing mangyayari iyon sa lungsod tulad ng Taguig, lalo na sa isang mataong erya tulad ng South Signal Vilage. Ilang kanto rin lang ang pagitan ng tinitirhan niya kina Kent, minsan pa nga, kung napapaaga ang binata, nagkakasabay silang bumyahe papunta sa kanilang opisina sa Makati. At yoon ang isang bagay na pilit na niyang iniiwasan mga dalawang linggo iyon bago ibaba ang quarantine protocols.

“I’m sorry Lana, but the company simply cannot do anything about the incident.”

Habang isinasangguni niya ang nangyari, naramdaman ni Lana ang mga mata ng babae at lalaking HR Managers na parang may hibla ng tunay na awa. Noong mga sandaling iyon, sa isip niya, hiniling niya na sana bigla na lamang may pumutok na circuit sa kung saan mang bahagi ng maliit na kuwadradong silid na magdudulot ng pagkasunog ng buong opisina. Sa isip niya, nakita niyang nagwawala ang mga katawan ng mga manager, hindi magkandatuto sa pagulong sa sahig upang apulain ang apoy na sumisila sa bawat pulgada ng balat nila. Ngunit, wala itong magagawa. Bagkus, madadarang din ang asul na alikabuking alpombra. Kakalat ang apoy sa mumurahing mga office desk at liliyaban ang sandamakmak na mga papel at files na matagal nang nakatiwangwang sa departamento. Habang tinutunghayan ang nangyayari, maamoy ni Lana ang nasusunog na laman at buhok.

Lalabas si Lana ng silid na naglalakad; walang bahid ng takot o taranta. Makikita niya ang dagat-dagatan ng mga katawang nagliliyab din—ang ilan sa mga ito, ang mga lalaking ka-trabaho na minsan niyang nakitang nakangiti o narinig na nagbubungisngisan habang dumaraan siya papunta sa office pantry. At sa kalagitnaan ng aisle na nadaramtan din ng alkabuking asul na carpet, makikita ni Lana na tumatakbo si Kent, halos hindi na makilala sa pagkakasila sa kanya ng mga dila ng apoy. Ngunit alam niyang siya yun. Ang salarin. Ang buktot. Mapaluluhod si Kent pagkatama nito sa isang puting kahoy na mesa (mumurahin din) na siya ring magliliyab. At doon, sa sandali ng purong kasiyahan ni Lana, mararating ni Kent ang kanyang wakas. Mapangingiti si Lana. Lamang,

“The incident happened outside the jurisdiction of the company Lana. Ang pwede mong gawin ay pumunta sa Taguig Women’s Desk at doon magreklamo.”

Tumigil nang sumaglit ang babaeng HR sa pagsasalita. Animo’y naghahanap ng mga salita. Doon lamang napansin ni Lana ang malamlam na mga mata nito na para bang matagal nang hindi dinadalaw ng tulog. Ang malusog nitong pisngi ay parang binabalani ng grabedad, alangang humpak, alangang matambok. Sumagi sa isip ni Lana ang isang tutang bulldog na kulay-tsokolate ang balahibo na dala ng Operations Manager nila isang araw. Litaw din ang ilang linya sa gilid ng mga mata ng HR na hindi mawari ni Lana kung gawa ba ng likas na pagtanda o ng madalas nitong pagngiti sa mga empleyado para maibsan ang mga reklamo ng mga nito sa sahod at attendance. Napuna ni Lana ang buhok nitong kulay-ipis na matindi ang pagkaka-unat at pumasok sa kanyang isip na baka nga tama ang sinasabi ng iba: na kapag hindi mo makontrol ang buhay mo, kontrolin mo ang buhok mo; ang buhok mong kulay-ipis.  Bago magsalitang muli, napansin ni Lana na pinilit ng HR na tingnan siya sa mata, at ang mga mata ng babaeng iyon ang marahil isa sa pinakamalulungkot na matang nakita niya.

“What I can do Lana is process the incident with Kent. Kausapin ko ang superior niya sa sanction na pwedeng ibigay.”

Batid din ni Lana ang bahagyang panginginig ng tinig ng HR, hindi niya malaman kung may pananabik itong ipahayag ang nasa isip, o may matinding pag-aalangan at kaba.

Samantala, wala namang imik ang lalaking HR. Pilit nitong sinusupil ng mamaiikli nitong daliri ang unat na buhok na hindi dumapa-dapa. Nahiwatigan si Lana na iniiwas nito ang kanyang tingin sa kanya. Ipinapako ng lalaki ang atensyon sa isang salansan ng blangkong papel sa mesa nito.

Hindi maialis ni Lana ang imahen ng mukha ni Kent na nakangiti; halos mga guhit na lang ang mga mata sa pagpiga ng bilugan nitong mga pisngi sa mga ito. Hindi malimutan ni Lana ang pakiramdam na para bang nayuyupi ang mga stainless steel na dingding ng sinsasakyang traysikel, nalalamukos ang plastik na trapal na babalot sa kanilang dalawa: si Kent na malapit ang mga labi sa kanyang tenga. Dama pa niya ang mainit na hininga nitong amoy-sibuyas at mayonnaise. Si Kent na ang mabigat na kamay ay pilit nagsusumiksik sa pagitan ng kanyang mga hita.

Hindi makahinga si Lana. Nais niyang sumigaw ngunit pinipigilan siya ng sariling lalamunan. May kung anong bumabarang makapal dito. At para bang umaayon sa kanya ang panahon, lalong lumalakas ang ungol ng hangin sa labas ng tricycle sa kasagsagan ng hindi mapatahang ulan.

Hindi matanggap ni Lana ang nangyari sa kanya. Hindi niya maialis ang pakiramdam ng kamay ni Kent sa kanyang balat: gumagapos sa mga kamay niya, bumubusal sa bibig niya, gumagapang sa kanyang kabuuan.

Bago pa siya makapagsampa ng reklamo sa Women’s Desk ng Taguig, ibinaba ang ECQ. Skeletal work force na lamang ang pinapapasok ng lokal na pamahalaan ng lungsod. Hindi prayoridad ang mga reklamong walang kinalaman sa outbreak.

Hindi mapayapa ng ilang buwan ng pagkakapiit ang kalooban ni Lana. Ilang beses din siyang nagising sa kalagitnaan ng gabi, pinabibigat ng damdamin ang hindi mapigilang mga luha.

Ngunit talagang nagitla si Lana sa balita nitong umaga tungkol sa bangkay ni Kent na natagpuan sa bakanteng lote sa tabi ng maliit na SM Hypermart. May mga nagsasabing nag-post daw ito sa Facebook na kontra-gobyerno, isang bagay na hindi alam ni Lana dahil matagal na niya itong inunfriend. May kakilala naman si Kent na nagsabing may nakaaway daw itong pulis isang gabing hindi ito nakauwi bago ang curfew. Sabi naman ng isa nitong kapit-bahay, may nakainuman itong tropa at dinigahan ang kapatid na dalaga. At ang sabi-sabi sa village nila, ang dalagang ito raw ay 2 buwan nang buntis.

Wala ni isa man sa mga tsismis na ito ang may talab kay Lana. Hindi na niya pinag-isipan pa kung ano ang maaaring totoo sa mga ito. Ang malinaw kay Lana ay ito: Patay na si Kent. Dinala nito ang opensa sa kanya sa hukay.

At nais man ni Lana na maglunoy sa pag-iisip na nakatakas si Kent, hindi maialis ni Lana ang kagaanan ng kanyang damdamin. Parang may natanggal na tinik mula sa kanyang bumbunan na tagus-tagusan sa kanyang dibdib. Parang may natanggal na langib mula sa kanyang balat at nalantad ang makinis na kutis. Parang natanggal ang busal na matagal nang pumipigil sa kanyang bibig.

Pakiramdam ni Lana, nagbukas ang langit sa kanya at natanghal ang libu-libong anghel na nakangiti sa kanya at sa kanyang tagumpay. At sa kauna-unahang pagkakaton sa loob ng ilang buwan, ngumiti si Lana. 

Imahen mula sa: https://rmn.ph/manyakis-nga-tricycle-driver-23-anyos-nga-dalaga-nagreklamo-sa-pulis-matapos-tuyo-nga-halokan-sang-driver-sang-traysikol-nga-iya-ginsakyan/

Ang Paghuhukom sa Piyon

Ang May-ari ng Gusali

Kanyang nilapat ang malambot na palad

sa dingding, mabagal na hinagod ang palitada:

walang uka o maliit na butas ng pagkakamali

ng pakong ligaw buhat sa bara-barang pagtutuos.

Tinasa niya rin ang pintang pantay ang pasada

sa bawat pulgada, kanto, at sulok. May ngiti

sa kanyang mga mata nang maisip taasan

ang pinapasahod para sa arawan. Biglang bawi:

‘Di ba’t sapat nang may ambag siya sa lipunan?

At ano ang gagawin niya sa dagdag na barya?

Sinipat niyang muli ang ganap nang likha

at humanga sa kakayahan ng sariling salapi.

Ang Kristiyana

Kumawala ang isang buntung-hininga

nang makita ang welga ng mga manggagawa

sa social media. Walang Diyos

ang perpetwal na sumasagka sa mga amo isip niya:

hindi talos ng mga rebelde ang kagandahan

ng batas at panuntunan–kaya’t naliliyo

ng kasalanan; hindi ba’t isang rebelde rin

ang nagkandado sa tarangkahan ng Paraiso?

Pagninilay niya: bakit hindi pagkasyahin

ang ligaya sa walo o higit pang oras

ng paggawa–ialay ang paglikha sa Lumkiha?

Hayaang umawit ng himno ang pinagpatas-patas

na blokeng semento; hayaang humuni ng himig

ng pagsamba ang mga marmol na sahig;

hayaang tumula ang tayog ng tinayong mga gusali

nang ang pagod ay maging daang matuwid

tungo sa panghabambuhay na pahinga!

Hinaplos niya ang de-balat na Bibliya

at humanga sa sariling dunong.

Ang Propesyunal

Babad sa ilaw ng malapad na iskrin

at lunod sa deadline at ebalwasyon sa sarili,

ang aandap-andap na kursor ang nagtapon sa kanya

sa pag-iisip: itong sipag ang susi

sa kanyang tagumpay. Hindi siya aasa

sa gulugod ng Estado; hindi siya makikiisa

sa panawagan sa mga karapatan ng tulad niya.

May bunga rin ang pagdilat sa malalim na gabi.

Kailangan lamang tumango at itikom ang bibig,

gisingin ang sarili sa panagimpan ng kabataan,

at huwag pahuhuli sa pagpapatigasan ng ari.

Isip niya, itong mga nanlilimahid sa pagdarahop

ay sumusuko lamang sa mga hamon at damdamin.

Napangiti siya at hinagod ang kursor sa iskrin

at humanga sa sariling tapang at sigasig.

Ang Piyon

Hinaplos niya ang nangangalyong mga palad

na nanginginig sa pagal at kalam

habang nakapila sa ilalim ng tirik pang araw,

hinihintay ang kanyang sandali sa kapatas

na mag-aabot sa kanya ng sobre

na may kaltas pa sa huling pagliban.

Kaya’t ang lama’y hindi pa sasapat

sa utang at sa tatlong bibig.

Imahen mula sa Pinterest: https://www.pinterest.ph/pin/133700682666700946/

Gloria

Tulad ng dati, nagising si Gloria na wala sa tabi ang asawa. Ilang saglit din bago siya tuluyang bumangon. Kinukusot pa ang kanyang mga mata upang tanggalin ang antok, agad niyang tinungo ang itim na radyo sa sala upang buksan. Pinihit niya ang bilugan nitong buton, hindi inda ang kadalasang yamot at reklamo ng mga karatig-bahay na hindi pa ginigising ng rutina o tilaok ng tandang.

            Mula sa estasyong lagi niyang pinakikinggan, maririnig ang papuri sa Mesias, ang bugtong na anak ng Diyos Ama. Napangiti siya sa pagpuno ng musika sa kahungkagan ng kanyang umaga: nakiki-awit ang mga kahoy na dingding, pinipintakasi siyang masunurin sa kamatayang utos ng sariling Ama; hinuhuni ng sementong sahig ang himig na lumiligaw kay Gloria na talupin ang galit at lumbay; sa saliw ng mga nota, namumukadkad ang samu’t saring bulaklak sa pasimano—namimintog sa buhay na pahintulot ng Dakilang Lumikha.

            Naupo si Gloria sa pulang sopa. Lalong nililinyahan ng hindi niya maitagong ngiti ang mukhang kinulubot na ng panahon at bagabag (ang umagang iyon, pangungumbinsi niya sa sarili, ay hindi para sa nahuli). Kinuha niya ang Bibliya sa side table ng sopa, hinanap ang aklat at kapitolo na kagabi pang naglalaro sa kanyang isipan. Pinagod na ng laway at daliri, sumunod na lamang ang makukunat nang pahina sa matulin niyang paghahanap. Nang sapitin ng kanyang hintuturo ang Ika-96 na Salmo, naglagi roon ang mga mata at diwa ni Gloria.

            Naglagalag ang alaala ni Gloria sa isang tagpo noong 10 taong gulang pa lamang siya. Dinala siya noon ng kanyang ama sa Parokya ni Santa Agatha sa isang hindi na maalalang petsa. Sa awiting, “Ama Namin” marahan siyang hinaplos ng kanyang tatay sa balikat, pababa sa arko ng kanyang likod. Yumukod ito sa kanya upang bumulong,

            “Ang umaawit nang masigla para sa Panginoon ay tiyak na may lugar sa kanyang Kaharian!”

            Hinalikan siya nito sa tainga at sininghot ang samyo ng kanyang buhok.

            At ngayon sa kanyang pag-iisa sa harap ng napipintong pagputok ng umaga, kinopya ni Gloria ang ika-1 hanggang ika-4 na berso ng Salmo. Ipinadala sa kanyang mga kaanak at kaibigan gamit ang Facebook Messenger. Nang marinig niyang muli ang binubusalang pagtangis at paulit-ulit na pag-ingit ng kama sa naka-kandadong silid ng kanyang dalaga, agad tumindig si Gloria upang lakasan pa ang maka-Diyos na awitin sa radyo.     

Kinakamot ng Makata ang Kati

Kinakamot ng makata ang kati

ng diwa kung may sigwa

na namumukol kapag pinupukol

ng sukaban, pilit sinusubukan

ang timpi’t tapang ng tinampalasan

na mga walang palad at lipad

ang mga pangarap. Hindi maapuhap

ang mga salita, walang bisa

ang mga pangako na ipinako

sa hubad na likod ng naglilingkod

nang walong oras na walang habas

kung humamig sa pagniniig at pag-ibig.

Ngayong may sakit na pasakit

na lalong kumakalat sa mga salat,

kinakamot, kinakalmot ng makata

ang mga sulok ng sulasok,

nilalagnat sa kagat ng sápat

na mahilig manligalig kapag ibig,

o kung nasisiwalat ang pangungulimbat,

o kung nanunumbat sa mga mulat.

At ang sápat ‘di pa pala sumasapat:

mga kagaw ang kaulayaw na sumasawsaw

sa paglikha ng hinihikang mga panukala

na lumalambong sa pagdaluhong

ng mga singkit na sumisikil,

nang-aalipin, at nang-aangkin ng lupain,

sa pagsunggab sa bayag ng pamamahayag

sa pagsalang sa kanilang sangsang,

at sa pangungutang upang ibulsa ng swapang.

Kaya’t itong kati na pilit kinukubli,

nag-aaantak, nagnanaknak, nanganganak

na alipunga na nakanganga, nginangatngat

ang kabaong na binaon sa kahapong

nagsabing, “Ang pagtula ay pagtunganga!”

Ang makata ay ‘di na madadapa, mangangapa,

bagkus buong talas at gilas na ibubulalas

ang talim at talab ng tinimping tula;

taimtim na titipunin ang mga talutod,

lilinangin ang mga linya, ililiha ang lamya,

ikukuyom ang nilikom sa palad na tikom

ang mga bersong subersibo at susugod,

itatarak ang itak ng mga titik,

pupugutan at pupugpugin nang mapanagutan

ang ganap na pagpapanggap ng nagpapahirap.

At ang kati ng makata ay makakawala

sasama sa masa sa saliw at sigla ng sigwa.

The Man

for Josephine B. Castillo-Diokno

At the center of his long wooden dining table in a two-storey house he rents with his family, the man had placed a wooden sculpture: a piece of a fallen branch that bears the likeness of a hand with fingers outstretched—like it was trying to reach for something that was impossible for the owner’s height.

His son, a writer in his 30s, looks at it with intent, exploring all the dimensions of the wood. Its body was coarse; some parts of it were cracked, some even appear to be eaten by a form of mildew. The man with greying hair and skin sagging with the burden of age, smiles upon noticing his son’s contemplation. He brags to him about how he himself took it from an empty lot in a nameless part of the city, seeing in it potential should one take the time to uncover it.

The rented house had become a showroom for the man’s found art along with a number of paintings he had gathered from artist friends and sculptures he had bought without second-thought from antique shops. This house which stands at the edge of the small subdivision in Fairview smells of old wood. There, the air is always stale, with rain refusing to fall on the feverish concrete of the house’s entrance. The walls of the house are stained with something fungus-like that none of the family members could explain, not even the landlady who collects money from them monthly. And despite the mother’s efforts, the house never recovers from the filth and the stench of cat waste that always welcomes the family upon waking in the morning. At night, the family would find it hard to sleep as they would wheeze because of the heavy and perpetual dust.

That evening is pretty much like the other evenings that had passed. At the head of the wooden table, the man assumes his position, ready for another hour’s worth of condemnation of the Duterte administration. He looks at everyone present at the dining table: his wife, his 25-year old daughter, and his writer son, his prized possession. The man is pleased with his audience. He makes a lengthy case of the dictator’s track record of blood, his treatment of women as objects, his incompetence and gradual fall into insanity in the face of the worldwide pandemic, and his apparent demise into history. For having noticed these things, make reflections and sharp analyses, the man is proud of himself.

Surely, the man tells his writer son, this national tragedy is owed to the poor’s outright ignorance; it was them who had supported Duterte. It was the poor and the uneducated that had placed him in Malacañang, the place where democracy goes to die.

In a separate occasion, the man says the poor deserved the killings. The writer had noted the way his father looks at the average security guard at the restaurant they would frequent, the taxi drivers they would be hailing rides from, and the carinderia lady who serves him lugaw after they had gone from the ukay-ukay at Cubao every weekend.

The writer is shaken out of his retrospect when he hears his father’s voice boom across the table, yelling at his younger sister to keep silent—telling her  to keep the story of her day to herself as he is trying to make a point about the irreverence of the Filipino people to intellect and analysis.

Their mother, whose eyes seem to be weighed down by numerous sleepless nights, chooses to purse her lips. She dares not challenge her husband. She does not want to be called “stupid” yet again. She remembers the man telling the assembly at their Pre-cana seminar that as women are meant to submit to their husbands, she should not be allowed to disagree with him. Prior to that, the man had also declared that women are irresponsible with finances. The woman only looks at her silenced daughter who finishes her meal by placing her utensils together; her father told her once that it is a sign of being civilized.

The daughter waits until her father finishes his spiel before getting up, not wanting to draw attention to herself. She didn’t want to have a repeat of the past week wherein her father demanded that she pay the house’s utilities as he no longer had the money to provide. When she tried to explain she had other bills, her father called her useless and disrespectful.

“Son,” the man had said, turning to his writer, “write about this dictator.”

“I shall.” the writer promised.

Ang Gabing Ito

Ang haba ng gabi ay hindi makalag-kalag mula sa leeg ng mamamayang himbing pa. Ayon sa Agham, pinapanawan ng ulirat ang nauubusan ng hangin sa utak. Sa Siklohiya naman, lumalalim ang tulog kung walang pinipiling alalahanin. Sa ilalim ng kawalang-malay, namumulat ang mamamayan sa mga panaginip ng ginto, ng mga patag na kalsada, at ng yumayabong na kalikasan. Wala ang sangsang ng estero na sabay nilang bakasyunan at palikuran. Wala ang sulasok ng mga proyektong paiba-iba ng anyo at hindi makakita ng katapusan. Hindi nila alintana ang mga katawang inilalagak sa burak, lumot, at limot, balot ng plastik at pakeyging teyp.

Ang gabi ay ang gasgas na metapora ng mga kalungkutang likha ng malalambot na higaan at unan. Mapanlinlang ang gabi at maraming gawa-gawang mga tungglian upang makipagharutan sa damdaming laging libog kay Kamatayan.

Ang gabing ito ay taksil na nakikipagsabwatan sa Bakunawang sumisila sa mga buwan—inihahatid sa mga isla ang karimlang ilang siglo na niyang tahanan sa pusod ng karagatan. At sino ang kakalampag sa mga kaldero’t mga tambol, ang bubusina ng kanilang mga sasakyan, o ang sisisgaw sa abot makakaya ng kanilang mga baga kung lango pa ang lahat sa tulog o alibughang pagtutulug-tulugan?

At habang nangangaligkig ang mamamayan sa ginintua’t mababango nilang mga pangarap, natutong maglagalag ang Bakunawa sa lupa. Natutong magpalit-palit ng gana. At walang sinuman ang makapupuksa matandang halimaw hanggang sa maagnas ang mga gusali at himapapawid at may mapabalikwas sa kama at maalimpungatan.

Yosi

Maihahalintulad umano ang sigarilyo

sa buhay ng bawat isa: nauupos

sa bawat lakad ng sandali, nililipad

ang usok sa hangin at tuluyang

naglalaho nang walang bakas.

Lamang, itong yosi, tahimik na

pinapaslang ang kapwa gumagamit

at ‘di gumagamit—ang nahuli,

nasa higit na kapahamakan.

Bago niya ibuga, nilalandi muna

ng nagyoyosi ang usok sa baga

matapos pagsawaan, ilalabas

sa walang muwang na hangin

na siyang nagsisilbi sa kanya

upang matiwasay na mabuhay

at magparami. Animo’y bugtong

na anak, ang nagyoyosi’y binibigyan

ng espesyal na espasyo upang Malaya

na makapahasik ng bisyo. Kung maamoy

ng malusog ang ‘di imbitadong usok,

magtakip na lamang siya ng ilong  

o ‘di kaya’y huwag na lamang huminga.

Hindi alintana ng nagyoyosi ang kapakanan

ng iba na umiiral at nakikipagtunggali

nang walang nahihitang anumang

parangal o pampa-lubag man lamang.

Marahil hindi mapagtatanto ng nagyoyosi

ang kanyang pakikipagsabwatan

sa naglalakihang mga korporasyong umuupos,

lumalamukos sa karapatan ng manggagawa

na nagbibilot, nageempake sa mga piraso

ng yosi na inilalako ng ilan ding piso;

binibili na animo’y isang pangangailangan

sa halip na ipandagdag sa badjet ni misis

o baon ni panganay sa pangaraw-araw.

Marahil sa kapal ng usok na kanyang likha,

hindi na rin maaninag pa ng nagyoyosi

ang kasinungalingan ng lipunan ito:

na lahat tayo’y may karapatan

sa sariling kalayaan.

Litrato mula sa: https://www.wastewiseproductsinc.com/wp-content/uploads/2015/10/Why-more-cities-should-consider-recycling-cigarette-butts.jpg

Salmong Tugunan

Sa Panahon ng Kabuktutan at Pandaraig:

Tugon:

Diyos Ama, Kayo po’y tumindig

at bawiin itong mga isla

mula sa kamay na bakal

ng mga diyos na huwad.

O Diyos Ama, ang Kataastaasan,

Yaong Ngala’y bukod sa lahat,

banal at magpakailanma’y babad

sa Iyong Kaluwalhatian,

ibaling Mo sa amin

ang Iyong mga matang nagniningas

nang Inyong mamalas ang lagay

naming aba!

Tugon:

Diyos Ama, Kayo po’y tumindig

at bawiin itong mga isla

mula sa kamay na bakal

ng mga diyos na huwad.

Sinasamsam ng mga may-salapi

at hambog ang iyong lupang lalang

na araw-araw nagbibigay ng makakanin;

binakuran, naglagay ng mga hangganan

ng dawag at tinik upang sarilinin,

ipinayapos sa tanikala ang mga pulso

at kamay ng tunay na nagtatanim

at nag-aararo para sa palay

na ngayo’y  ang tanging inaani

ay salansan ng mga utang

hanggang sa kanilang pamilya

ay wala na ni isang butil

ang maisasaing. Ang tanging takipan

na nakalulunas sa kanilang kalam

ay ang pagtatakip ng mga mata

mula sa tunggalian at ang pagpinid

ng mga talukap sa pag-idlip at kamatayan.

Tugon:

Diyos Ama, Kayo po’y tumindig

at bawiin itong mga isla

mula sa kamay na bakal

ng mga diyos na huwad.

Ang lungsod na tigmak ng usok

at mga pangarap na baog,

siyang araw-araw kaming pinakakain

ng lason sa fastfood,

seks at drama sa telebisyon,

at ng 8-oras na paggawa,

sa mga gusaling malamlam

at sanlaksa ang mga mata ng may-ari;

hinhintay ang aming pagkakamali

at mga pagtataksil. Ang overtime

ay inuupos ang katawan

upang may panggastos

sa mga hindi kailangan

at mabayaran ang nakalululang

bills na gawa-gawa rin ng kubrador

ng kuryente, tubig, at media

na nagkabit ng mga pisi

sa aming mga kamay na laging

pinahuhugot sa naghihingalong

pitaka at bangko.

Tugon:

Diyos Ama, Kayo po’y tumindig

at bawiin itong mga isla

mula sa kamay na bakal

ng mga diyos na huwad.

Ang naratibo ng salat

sa lilim ng malupit

na araw at ulan ay iisa:

Hahandusay sa semento kung susuway

sa mandato at gana ng nakaupo

sa matagal nang nabubulok na silya.

Ang magbulalas ng pananamantala

ay paglalagay ng pananda sa noo.

Ang hindi tablan ng pangungundisyon

sa social media ay magiging tampulan

ng matatalim na salita ng alipores.

Aming kababaiha’y ibinibilad

nitong aming panginoon sa mga dila

na laging hayok at mga matang

laging sabik. Kanyang kabig

ang sandatahang higit sa batas

ang turing sa sariling posisyon.

Lahat kami, bata man o matanda,

lalaki o babae, malusog

o may kapansanan, ay mga karne

na iwinawasiwas sa mababangis

na reptilya sa mga estrangherong

katihan. Hindi na po namin

nalalaman kung saan pa pupulutin

ang mga piraso ng aming sarili.

Tugon:

Diyos Ama, Kayo po’y tumindig

at bawiin itong mga isla

mula sa kamay na bakal

ng mga diyos na huwad.

Balat ma’y puti o dilaw

lagi’t lagi nilang hinahamig

ang lakas ng aming mga anak

Perpetwal silang nagtatayo

ng mga tore upang ipahayag

ang kanilang paghamon

sa Inyong banal na otoridad

o Ama. Ang kanilang mga galamay

ay kayang lampasan ang anumang

hangganan ng lupain, lohika,

at identidad. Pinipihit ang lahat

ng kadahilanan upang makuha

ang tiwala at yamang matagal nang

pinag-iingatan ng aming mga ninuno.

Itong banyagang mga Apo,

ginagawang alagaing manyika

at papet ang sinumang nauupo

sa palasyo; inaangkin

ang aming mga isla; kinukubkob

ang mga kumpanya sa lungsod;

hinahamig maging ang mga himpapawid;

nais gawing probinsya ang bansa

at alipin ang mga mamamayan.

Hanggang kailan ang kanilang

buktot na paghahari? Hanggang kailan

namin kailangang makipagkaibigan?

Tugon:

Diyos Ama, Kayo po’y tumindig

at bawiin itong mga isla

mula sa kamay na bakal

ng mga diyos na huwad.

Hanggang kailan itong pandaraig,

o Diyos Ama na siyang Hari

ng kolektibong puso, isip,

at kaluluwa naming mamamayan?

Bigyan po Ninyo kami ng lakas

upang durugin ang mga serpiyente

at alakdan. Ang patalikod kung magtarak

ng kanilang armas o tuwirang

dalahira sa mamamayan ay hayaan

Ninyong maagnas sa ilalim

ng aming talampakan. Ang tampalasan

ay laslasin Ninyo ng talim

ng Iyong malalapad na pakpak. Ilubog

ang kanilang bansa sa putikan

ng mga pinaslang na maruruming hayop

na kanilang walang pag-aalangang

kinakain sa halip ng pinahihintulutan

ng Inyong walang-hanggang talino.

Tugon:

Diyos Ama, Kayo po’y tumindig

at bawiin itong mga isla

mula sa kamay na bakal

ng mga diyos na huwad.

Diyos Amang Kataas-taasan

kami’y nagsusumamo: tulad ni Dabid

na hari ng iyong lahing pinili,

hinihingi namin ang Iyong banal

na karahasan! Durugin po Ninyo

ang mga panga ng mga manlulupig!

Paslangin Ninyo

ang kanilang mga anak!

at tulad ng pangako Ninyo

sa Araw ng Paghuhukom, tagpasin

Ninyo ang kanilang mga bahagi

na nagkasala, o ‘di kaya’y

sila mismo ang itapon

sa walang hanggang

Look ng Apoy

upang sila’y hindi na maghari pa

sa Inyong bagong Paraiso.

Tugon:

Diyos Ama, Kayo po’y tumindig

at bawiin itong mga isla

mula sa kamay na bakal

ng mga diyos na huwad.

Image:

“God Judging Adam”

William Blake, 1795

Ang Dalaga at ang Kanyang Tatay

Ang bawat araw ay pagkakataon

na ikamatay niya ang pagkakabihag;

kung pang-ilang lalaki na ito,

‘di na niya maalala. Ang kanyang pangalan

ay nalunod na sa sariling mga sigaw

at pagtangis sa walang katagul-gatol

na panghihimasok. Tuloy lang kayo,

sabi ng kanyang ama na gustong pakasal

ang naghihingalo nang yaman

ng kanilang angkan na sinamsam

na ng mga lalaking nagdaan–

at itong huli, may dala pang sakit.

At ngayon, sa kahubdan ng dalaga,

pinagpapawisan ang bawat pulgada

ng balat, nanginginig ang mga rehiyon

ng kalamnan, at mahapdi ang mga sugat

na tila wala nang paggaling, nakangiti

siyang pinagmamasdan ng kanyang tatay

na nagwikang: Dapat ako ang nauna!