Ito Ang Pag-Ibig Natin

Hindi ako hihingi ng tawad
sa lagi kong pagpapaluhod sa ‘yo
sa ilalim ng marami kong kasinungaliangan.

At sa iyong pagtindig, susuysuyin ng dila ko
ang init ng iyong pananabik. Susupilin ng mga kuko mo
ang buhok ng makapal kong pag-iisa. Habang

lunod ka sa aking mga pagpapakahulugan, paulit-ulit kong itatarak
ang talim ng aking pighati sa iyong mga lihim
hangga’t sa magsumamo ka na huwag akong titigil.

Ito ang pag-ibig natin.

Sinta, Huwag Mong Ididilat Ang Mga Mata Mo

Ipinipikit ko ang mga mata ko

para ipahinga ang mahahabang kong pagpapakahulugan.
Maya’t maya’y nasa ilalim ako ng kadiliman
ng isang karagatang walang pangalan
kaulayaw ang mga isda na ang mga pangala’y kasing tanda
ng mga giyerang matagal nang kinabiguan ng matapang kong angkan.

Aahon ako
at sasampa sa isang islang kinatatamnan ng isang puno
na nagbubunga ng mga babaeng nakasabit patiwarik.

Mula roon, marahan kitang pipitasin.
Habang ika’y nahihimbing pa mula sa pagtulog
na ‘di mo malaman kung kailang nagsimula, ilalapag kita
sa lilim ng puno; hahalikan kita nang paulit-ulit.
Lalaruin ng dila ko ang sa iyo
at hahayaan itong tuntunin ang bawat pulgada ng balat mo
hanggang dibdib, hanggang sa iyong kaselanan
na kinatatutubuan na ng samu’t saring matitinik na halamang
gagapang sa katawan
ko’t tutusukin ang bawat dimensyon ng aking pagkalalaki
na walang maliw at walang pakundangan.

Pagnanasa ko ang iyong kawalang-malay
na nagpapaubaya sa aking panghihimasok.

O sinta, huwag mong ididilat ang mga mata mo
at baka maglaho itong pag-ibig ko sa ‘yo.